MANILA, Philippines – Natimbog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang notoryus na drug pusher matapos na makuhanan ng 100 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa loob ng isang shopping mall sa Mandaluyong, iniulat kahapon.
Sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., nakilala ang mga suspects na sina Alinor Sultan, alyas Alex, 28, at Alibasher Diamla, alyas Bobby, 26, kapwa ng Pasig City.
Nasakote ang mga suspect sa loob ng isang shopping mall sa Mandaluyong ganap na alas-3:45 ng hapon.
Bago ito, isang PDEA undercover agent ang nagkunwaring bibili ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P450,000 at nagkasundo na magpalitan ng items sa nasabing lugar. Nang tanggapin ng dalawa ang marked money kapalit ang iligal na droga ay saka na sila dinampot ng mga nakaantabay na mga operatiba ng PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3) sa pamumuno ni Director Gladys Rosales.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang kinakaharap ngayon ng mga suspect.