Erap, susuportahan si Sen. Grace Poe

Manila Mayor Joseph Estrada File photo

MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na si Senator Grace Poe ang suportahan ni Manila Mayor Joseph Estrada sa nalalapit na 2016 elections. Ito naman ang tila pahiwatig ni Estrada sa isang panayam sa kanya kung saan sinabi nito  na  alam naman ng publiko ang katauhan ni  Poe at kung sino ang ama nito na kanyang tinuring na isang  kapatid. Ang namayapang aktor na si Fernando Poe Jr. ang tinutukoy ni Estrada na kanyang matalik na kaibigan at  itinuturing na kapatid.

“Malamang na malamang kahit naman sino ang tanungin ay alam kung sino ang aking susuportahan.”  ani Estrada.

Nalulungkot lamang si Estrada sa paglitaw ng iba’t ibang kontrobersiya laban  sa Senadora samantalang hangad lamang nito na iangat ang bansa.

Lumitaw ang  pagiging ampon, isyu ng hindi pagiging natural-born Filipino at kakulangan sa 10-year residency requirement ni Poe nang magdeklara itong tatakbo sa pagkapangulo sa susunod na taon.

“Sa aking pananaw, kung ‘di siya kandidatong presidente, hindi naman malalabas yan... o hindi ganyan-ganyan uusisain lahat ng mga bagay na ganyan.

Naniniwala si Estrada na dito ipinanganak ang  senadora at bagama’t  napulot yan sa simbahan ay inalagaan at itinuring na parang tunay na anak ng namayapang aktor bukod pa sa pinag-aral hanggang sa abroad.

Karapat dapat naman ang senadora na tumakbo dahil ipinakita naman nito ang kanyang galing at sipag sa trabaho.

Gayunman, sinabi pa ni Estrada na mapipilitan naman siyang tumakbo sa pagkapangulo sakaling matanggal ang lahat ng mga opposition candi­dates.

Wala na aniyang de-mokrasya kung wala nang pagpipilian ang mga bo­tante.

Show comments