Kasambahay, tinodas ng utol ng amo

Nagtamo ng saksak sa leeg at kaliwang bahagi ng dibdib ang 23-anyos na si Janet Magana, stay-in sa bahay ng kanyang amo sa   Kalap Subdivision, Brgy. 177 Camarin, ng naturang lungsod.STAR/File photo

MANILA, Philippines – Patay ang isang dalagang kasambahay nang dalawang beses na saksakin ng utol ng kanyang amo, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Nagtamo ng saksak sa leeg at kaliwang bahagi ng dibdib ang 23-anyos na si Janet Magana, stay-in sa bahay ng kanyang amo sa   Kalap Subdivision, Brgy. 177 Camarin, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Emmanuel Boado, 36, walang trabaho, at naninirahan sa   Marilao, Bulacan.

Sa ulat ng Caloocan City Police-North Extension Office, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng amo ni Magana na si Federico Castillo.

Nabatid na bumisita si Boado at hinahanap ang kanyang kapatid na asawa ni Castillo. Dahil sa wala ang mga amo sa bahay, pinagsabihan ni Magana ang suspek na umuwi na lang.

Dito nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa magbunot ng patalim ang suspek at dalawang beses na tinarakan  ang biktima saka tumakas.

Nagsasagawa naman umano ngayon ng manhunt operation ang CCPS-NEO sa pamumuno ni P/Supt. Reydante Ariza.

Show comments