MANILA, Philippines – Isang security guard na hinihinalang aksidenteng nabagsakan ng elevator ang natagpuang patay sa isang gusali na kanyang binabantayan sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Marlon dela Vega ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD), nakilala ang biktima na si Alejandro Unciano, 54, may asawa, security guard ng Liberty security Agency at residente sa 172 Mayang Pula St., Brgy. Sta. Monica Novaliches, sa lungsod.
Ayon kay Dela Vega, ang biktima ay nadiskubre lamang na walang buhay habang nasa ilalim ng elevator shaft sa may basement ng King Center Building na matatagpuan sa no. 57 Sgt. Rivera St., Brgy. Manresa sa lungsod, ganap na alas-8:45 ng gabi.
Sinabi ng kasamahang security guard ng biktima na si Nelson Cano, nagsasagawa siya ng roving inspection sa nasabing gusali nang makita niya sa basement ang duguang katawan ng biktima habang direktang nasa ilalim ng elevator na nakahinto sa 1st floor nito.
Agad na lumabas ng gusali si Cano para humingi ng tulong kung saan tiyempong napadaan si SFO2 Amado Rivera at ipinagbigay alam ang pangyayari saka tumawag sa hotline 117.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kung saan lumitaw na ang biktima ay nagtamo ng head injury at mga galos sa bahagi ng kanyang likuran.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang otoridad sa nasabing insidente.