MANILA, Philippines – Hinatulan ng sampung taong pagkabilanggo ng Sandiganbayan si dating Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad matapos mapatunayang nagkasala sa kasong graft na may kinalaman sa maanomalyang pagtatayo ng isang shopping center noong taong 2004.
Sa 30 pahinang kautusan, napatunayan ng Sandiganbayan First Division na guilty si Trinidad at kapwa akusadong sina dating Pasay City councilor Jose Antonio Roxas sa paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act and Article 237 of the Revised Penal Code (RPC).
Ang kaso ay nag-ugat sa umanoy maanomalyang pag-aaward ng P489.950-million contract sa pribadong kompanya na Izumo Contractors Inc. noong February 4, 2004 para sa pagtatayo ng Pasay City Mall at palengke sa Antonio S. Arnaiz Avenue.
Bukod sa tig-10 taong bilanggo na hatol kina Trinidad at Roxas, may dagdag pang isang taong kulong sa mga ito dahil sa paglabag sa RPC.
Bukod sa kulong, pinagbabawalan na rin ang mga itong magtrabaho sa alinmang posisyon sa gobyerno.
Pinagmumulta din sila ng P200 lamang kada isa sa halip na bayaran ang buong halaga ng kontrata dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na ang proyekto ay nagbigay ng epekto sa pamahalaan.
Inutos din ng korte na e-archive ang katulad na kaso laban sa mga co-accused na sina Joselito Manabat at Alexander Ramos, pawang mga private individuals dahil patuloy pa rin ang mga itong nakalalaya sa batas.