MANILA, Philippines – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang mga biktima ng summary execution ang natagpuan kahapon ng madaling araw sa Quezon City, Maynila at Caloocan.
Ayon kay PO2 Vergilio Mendoza ng QCPD-CIDU, ang biktima na inilarawang nasa edad na 33-35, may taas na 5’8, payat, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at camouflage na pantalon at may mga tattoo rin sa likod, paa at braso ay natagpuan sa kahabaan ng Fema Road kanto ng Edsa sa Brgy. Bahay Toro, sa lungsod na nakasilid sa garbage bag na may busal ang bibig at tadtad ng tama ng saksak sa buong katawan.
Wala na ding buhay ang isang hindi pa kilalang lalaki na nakaposas ang mga kamay, may apat na tama ng bala sa katawan, na natagpuang nakahandusay sa tapat ng isang bahay sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nasa edad na 22-25, may taas na 5’5, nakasuot ng dark blue na t-shirt ang salvage victim habang tatlong suspek na lalaki ay nakunan ng closed circuit television (CCTV).
Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, lumalabas na tatlong lalaki ang may kinalaman sa krimen batay sa CCTV footage na naganap simula alas 2:00 ng madaling araw hanggang alas 3:35 ng madaling araw sa Concepcion Aguila St., sa Quiapo.
Isang Toyota box type kulay pink na may tatak na numerong “56” sa hood ang dumating sa lugar sakay ang tatlong lalaki at hindi nagtagal ay nakita na ang nakahandusay na bangkay ng biktima habang ito ay nakaposas.
Palutang-lutang naman ang biktima ng “summary execution” sa Tullahan River sa may Caloocan City.
Patuloy na kinikilala ng pulisya ang bangkay na nakasuot ng itim na kamiseta, short pants, at tadtad ng tattoo sa katawan.
Dakong alas-8 ng umaga nang makita ng mga residente ng GSIS Village, Talipapa, ng naturang lungsod, na lumulutang ang bangkay sa ibabaw ng ilog.
Hinihinala na biktima ito ng salvage dahil sa nakatali ang mga paa at may mga sugat sa mukha. Posible rin na sa ibang lugar pinaslang ang biktima dahil sa walang nakakakilala sa bangkay kung saan ito natagpuan.