MANILA, Philippines – Nais ni dating Marikina City Mayor Bayani Fernando na mapigilan ang muling kaganapan ng isang panibagong ‘Ondoy’ sa lungsod ng Marikina kaya’t minabuti niyang muling sumabak sa pulitika.
Si Fernando, na dati ring chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ay tatakbo sa pagka kongresista ng unang distrito ng Marikina sa ilalim ng partido ng National People’s Coalition (NPC).
Sa isang dayalogo kasama ang mga myembro ng media, nilinaw ni Fernando na wala siyang sinumang nais na kalabanin sa kanyang pagtakbo sa 2016 congressional race, kundi ang ‘Ondoy’ lamang.
Ayon kay Fernando, ayaw na niyang muli pang danasin pa ng Marikina City ang trahedyang naranasan nito noong manalasa ang bagyong Ondoy sa bansa.
Matatandaang isa ang Marikina sa pinakamatinding sinalanta ni Ondoy kung saan maraming tahanan dito ang sinira ng malaking pagbaha at iniulat na aabot sa 70 katao ang nasawi.
Inaasahang makakatunggali ni Fernando sa halalan si Sam Ferriol ng Liberal Party.
Matatandaang matagal na naging alkalde ng Marikina si Fernando, kung saan sa ilalim ng kanyang pamumuno, nagawa niyang isa sa best-managed cities ang Marikina mula sa dating pagiging 4th class municipality nito.
Naging model Philippine city rin ang Marikina at nakatanggap ng iba’t ibang uri ng papuri at parangal.