Tsuper nag-bomb joke sa LRT, kalaboso

Sandaling nagsisigaw ang isang lalaki na may lamang bomba ang kanyang bag kaya nagtakbuhan ang mga pasahero ng LRT dahil sa takot. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Isang tsuper ang ina­resto matapos itong magbiro na may bomba ang kanyang dalang bag dahilan upang mag-panic ang mga pasahero sa istasyon ng Light Rail Transit (LRT) 1 sa Pasay City kahapon ng umaga.

Nasa custody nga-yon ng Pasay City Police ang suspek na si Rudy Gaid Jr., 35, may asawa, nakatira sa #5527-B, panulukan ng Dallas at Binay Sts., Bgy. Bangkal, Makati City.

Ayon kay Police Sr. Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-6:05 ng umaga sa EDSA station Line-1 sa naturang lungsod.

Nabatid kay Jenesa Pradilla, lady guard na umaresto sa suspek, habang siya ay naka-duty sa EDSA station at nagpapatrulya, dumaan si Gaid na may dalang bag.

Sandaling nagsisigaw ang lalaki na may lamang bomba ang kanyang bag kaya nagtakbuhan ang mga pasahero ng LRT dahil sa takot.

Subalit, nalamang nagbibiro lamang ang suspek kaya’t dinakip ito ni Pradilla hanggang sa dinala ito sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaso.

Show comments