MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang apat na miyembro ng ‘Estribo gang’ makaraang maaktuhang nambibiktima ng pasahero sa isang public utility vehicle (PUJ) sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio ng Laloma Police Station, nakilala ang mga suspect na sina Joseph Aguilar, 18; Marlon Lee, 20; Marlon Caballero, 25; at Jonel Mamarinta, 23. Habang ang isa sa mga kasamahan nito ay mabilis na nakatakas at pinaghahanap na ng awtoridad.
Base sa ulat, nagpapatrulya ang tropa ng pulisya sa lugar, ganap na alas-6 ng gabi nang mapuna nila ang komosyon sa isang pampasaherong jeepney sa lugar.
Mula sa loob ng PUJ nakita ng mga operatiba ang mga suspect na inagawan ng cellphone na Iphone 5 ang isang pasahero dito saka agad na nagsipagtakbuhan.
Dahil dito, mabilis na rumisponde ang mga awtoridad at hinabol ang mga suspect sanhi ng kanilang pagkaka-aresto.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa PS-1 sa kasong robbery.