MANILA, Philippines - May nakabaon pang patalim sa leeg nang mahukay ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng septic tank sa isang abandonadong bahay sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nang dahil sa sobrang masangsang na amoy kaya nadiskubre ang bangkay ng biktimang kinilalang si Jaime Lozada, 38, vendor, ng Severino St., Quiapo, Maynila sa bahay ng pinaniniwalaang suspek na si Ricky Navas, residente ng Phase 3, Progreso at Bilibid Viejo, Quiapo, Maynila.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-7:00 ng umaga kahapon nang magpasiya ang magkakapitbahay na pasukin ang bahay ni Navas dahil sa masangsang na amoy kung kaya binutas nila ang septic tank.
Sinabi ni kagawad Vicente Alvarez ng Barangay 392, Zone 40, kahina-hinala ang septic tank dahil sa bagong tapal na semento.
Duda sila sa parte ng septic tank na natatabunan ng trapal kaya inalam ito at natuklasang bagong semento ang bahagi nito kaya naisipang butasin dahil doon umano nanggagaling ang masangsang na amoy at doon nga tumambad ang bangkay ng biktima na may nakabaon pang patalim sa leeg. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito, tinitignan din ang anggulo ng onsehan sa droga.