MANILA, Philippines - Sinalubong ng aberya ang mga commuters ng Metro Rail Transit (MRT-3) nitong Lunes, kasabay pa naman nang pagsasara ng ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting.
Pasado alas-6:00 ng umaga nang pansamantalang matigil ang operasyon ng MRT-3 matapos matukoy na may problema sa riles nito. Dahil sa aberya, nalimitahan ang biyahe ng MRT-3 mula Shaw Boulevard station hanggang Taft Avenue Extension at pabalik lamang.
Napilitan naman ang mga pasahero na sumakay na lamang ng mga bus patungo sa kani-kanilang destinasyon upang hindi mahuli sa pagpasok sa trabaho.
Bunsod nito, bumigat lalo ang daloy ng trapiko sa southbound lane ng EDSA dahil sa mga commuters na naghihintay ng masasakyan sa kalsada. Bago mag-alas-8:00 ng umaga nang maibalik sa normal ang biyahe ng MRT-3 matapos na ma-check at makumpuni ng mga personnel ang problema sa riles.
Matatandaang ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang isinara ng mga awtoridad simula kahapon bunsod nang APEC week.