Mister inimbita muna, bago dinedo sa inuman

MANILA, Philippines – Utas ang isang mister makaraang pagbabarilin ng lalaking nag-imbita dito sa inuman, habang isa pa ang tinamaan ng ligaw na bala, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Henry Redoblado, 53, ng  Salmon St., Brgy. 8 ng naturang lungsod sanhi ng tinamong maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nilalapatan naman ng lunas sa naturang ospital ang sugatang si Diana Rose Ca­bunlas, 29, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang paa.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilala sa alyas na Bot-Bot Rigis.

Ayon sa natanggap na report ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-11:45 ng gabi sa Salaysay St., Brgy. 12 ng naturang lungsod.

Nabatid, na inimbita uma­no ng suspek ang biktima sa inuman at habang masayang nagtatagayan ay walang sabi-sabing pina-putukan nito si Redoblado, habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang naka­tayong ginang.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.

 

Show comments