MANILA, Philippines – Patay ang isang 55-anyos na taxi driver nang tarakan ng dalawang beses sa dibdib ng sariling anak na lalaki na inaawat ng una sa pakikipag-away sa kalive-in, sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Bigo nang maisalba ng mga doktor sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Carlito dela Ysla, residente ng President Quirino Avenue, Pandacan, Maynila.
Hindi na matagpuan ang tumakas na suspek na Charvie dela Ysla, 30.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-.Homicide Section, naganap ang insidente bandang 4:45 ng hapon sa loob ng kanilang bahay.
Sinubukan umanong awatin ng biktima ang anak dahil sa mainit na away nito sa kinakasamang si Laarni Canares kaya inakyat niya ito sa ikatlong palapag.
Sa kagustuhang masawata ay hinatak umano ng biktima pababa ng hagdan ang anak na ikinairita umano nito kaya sa gitna ng init ng kaniyang ulo ay pinagbali-ngan at sinaksak ang ama sa dibdib, May hiwa ring nakita sa may ulo nito.
Sumaklolo ang kapitbahay at dinala sa pagamutan ang biktima habang ang suspek ay tumakas nang makitang duguan ang ama.
Maghahain ng kasong parricide ang pulisya laban sa suspek.
Sa kasalukuyan, hindi pa dumarating sa Homicide Section ang mga kaanak ng biktima para magbigay ng salaysay.