Ex-con itinumba

MANILA, Philippines – Bulagta ang isang ex-convict matapos itong pagbabarilin ng isang lalaki, kamakalawa sa Pasay City. Kinilala ni Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police  ang biktimang si Christopher Pacayra, 40, ng Interior 42, Mahogany St., Barrio Santo Niño ng naturang lungsod. Miyembro ito ng Sigue-Sigue Sputnik gang at 12-taon nakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa ilegal na droga.

Samantala, ang suspek ay nakilala lamang sa alyas na Alex Muslim, na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen. Sa inisyal na report na natanggap ni Doria, naganap ang insidente alas-11:30 ng tanghali sa panulukan ng Sampaguita at Langka Sts., Barrio Santo Niño, Brgy. 145, Pasay City habang ang biktima ay nakatayo sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang suspek na  armado ng baril.

Walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima na naging dahilan upang bumulagta ito at matapos ay mabilis na tumakas ang suspek na naglalakad lamang. Kaagad na ipinagbigay alam sa pulisya ang insidente at mabilis na rumisponde ang mga ito sa pinangyarihan sa pamumuno ni Police Community Precinct Commander, Senior Inspector Jolly Soriano at dito nila naabutang duguan ang biktimang si Pacayra na dali-dali dinala­ sa Pasay City General Hospital (PCGH) nina PO1s Jefferson Vidal at Daniel Plana. Bago ito bawian ng buhay ay naibulong nito sa mga pulis na ang bumaril sa kanya ay si “Alex Muslim”.

Ayon sa pulisya, kalalaya pa  lamang ng biktima mula sa NBP noong buwan ng Abril ng taong kasalukuyan  ay binaril ito ng hindi pa nakikilalang suspek na kanyang naligtasan, subalit sa ikalawang pagkakataon ay natuluyan na ito. Inaalam na ng pulisya  ang pagkakakilanlan ng suspek at iniimbestigahan rin kung ang naganap na pagpaslang kay Pacayra ay may kaugnayan sa naging kaso nito na may kinalaman sa droga.

Show comments