MANILA, Philippines – Nalambat na ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 47-anyos na Chinese national na matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong iligal na droga matapos ang pagsalakay sa kanyang lungga sa Makati City, iniulat kahapon.
Sa ulat na nakarating kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., nakilala ang suspect na si Jacky Sia Huang, na may mga alyas na Tsoi/Huang Jin Nan, ng Units 2201 at 2604, Antel Platinum, Tower Condominium Association, Inc. (APTCAI), Valero St., Salcedo Village, Makati City.
Nadakip ang suspect sa bisa ng isang warrant of arrest alas-11:10 ng gabi.
Si Huang ay kabilang sa mga nagmantine ng binuwag na shabu warehouse na matatagpuan sa Unit 48 Cerulean Street, Sentosia Condominium, Macapagal Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City noong February 12, 2014. Nakumpiska sa nasabing insidente ang 27.50 kilograms ng shabu at 24 kilograms ng ephedrine.
Bukod dito, may nakabinbin ding kaso si Huang na paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kamakailan lang ay naaresto ng mga operatiba si Marvin Tan Yap, alyas Mr. Tiu, 39, ng San Carlos Street, Magallanes Village, Makati City, at Unit 3B, Tuscany Garden Villa Condominium, McKinley Hills, Taguig City, sa parking lot ng Central Square, 30th Street Corner 5th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig City.
Si Yap ay may nakabinbin ding kasong paglabag sa RA 9165 dahil sa partisipasyon nito sa nabuwag na warehouse sa Sentosia Condominium, ang lugar kung saan isinasangkot si Huang.