Sa child porno at trafficking 2 bebot ipinatimbog ng FBI sa NBI

MANILA, Philippines - Timbog  sa  isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae na  natukoy ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na lumilikha o pro­­d­yu­ser ng mga hubo’t-hubad na larawan ng mga batang babae  na nakabase sa Angeles City, Pampanga noong nakalipas na linggo.

Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang mga suspek na si Lyan Tandeg, producer ng child pornography at child prostitution, at isang Shellina Atad, na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 na inamyendahan ng R.A. 10364 (Qualified Trafficking in relation to R.A. 10175 and Section 5 of R.A. 9775) Syndicated Child Pornography.

Sa ulat, Nobyembre 4 nang arestuhin ang dalawa sa loob ng isang mall sa Angeles City, Pampanga dakong alas-3:00 ng hapon sa pangunguna ni Head Agent Ronald Aguto Jr., hepe  ng NBI-Cybercrime Division.

Nauna rito, mula umano sa Amerika ay sinadya ng ilang FBI agents ang NBI office upang ituro lamang ang dalawang suspek na nadiskubreng mga nagpo-prodyus ng mga malalaswang larawan at nag-eexploit ng mga kabataan sa mahalay na gawain.

Nagawang maka-transaksiyon ng undercover agents ang dalawang suspek hinggil sa mga larawang hubo’t-hubad ng mga kabataang babae.

Bukod sa pagbebenta ng mga malalaswang larawan ay kasama pa ng dalawang suspek ang isang 8-taong gulang na babae na isa sa nasa larawang nakahubo’t-hubad.

Kasama sa nasabing operasyon ang FBI agents, mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na katulong sa pag-rescue ng tatlong biktima na nasa edad lamang 8 hanggang 12, na pawang residente ng Tarlac City­.

Natunton ng FBI ang sinasabing ‘utak’ ng sindi­kato­ nang maaresto ng US Customs and Border Patrol sa San Francisco International Airport ang isang piloto na kinila­lang si Michael Carey Clemans, dahil sa pagtataglay ng may 100 lara­wan ng mga nakahubo’t-hubad na mga bata sa kaniyang­ iPad tablet.

Agad ipinasa ng FBI ang natuklasan sa NBI Cybercrime Division at ibinigay din ang link at kopya ng Yahoo Messenger conversation sa pagitan ni Clemans at Tandeg.

Sa imbestigasyon, ang mga nakapose na larawan ang ipinakikita sa mga kostumer at kung may magugustuhan ay ibinibenta ang mga bata sa halagang P3,000 bawat gabi.

 

Show comments