MANILA, Philippines – Nailigtas mula sa kamay ng isang bading ang dalawang totoy na pinipuwersang magtrabaho ng walang sweldo habang sekswal na inaabuso, nang salakayin ang tinutuluyang hotel sa Cubao, Quezon City, sa ulat kahapon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ).
Sa report ni IACAT Executive Director Darlene Pajarito, dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Quezon City Police, Commission on Filipinos Overseas (CFO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at IACAT- Operation Center (IACAT-OpCen) ang suspek na si Ramil Canete sa Crest Hotel na matatagpuan sa Cubao, Quezon City, nitong nakalipas na Oktubre 28, kung saan matagumpay na nai-rescue ang dalawang biktimang itinago sa pangalang “Jon-jon” at “Jay-jay”, 14 at 15 anyos na nirecruit mula sa lalawigan ng Cebu.
Sa imbestigasyon, habang nasa isang hotel sa Cebu ang suspek ay nagrecruit ito ng 5 binatilyo, kabilang ang dala- wang biktima, para umano dalhin sa Maynila at gawing modelo ng isang brand ng apparel.
Ang dalawang biktima lamang umano ang nag-audition at nakapasa sa suspek kaya ibiniyahe sila sa Maynila. Sa Maynila ay nagpalipat-lipat umano sila ng tirahang hotel kasama ng suspek.
Hindi umano natupad ang pagmomodelo at sa halip ay pinuwersa silang gawing delivery boy ng isang warehouse subalit walang sweldo at iyon umano ay kapalit ng gastos nila sa araw-araw. Tinatakot umano silang aabandonahin kung hindi susunod sa kagustuhan ng suspek hanggang sa abusuhin sila ng sekswal kapalit umano ang bayad para sila ay may kitain.
Nang madiskubre ng kaanak ang sinapit ng mga biktima ay itinawag ito sa “1343 Anti-Human Traffic-king Actionline” ng IACAT at nakipag-ugnayan din sa mga awtoridad na nagresulta sa matagumpay na operasyon.
Kalaboso at malabong ma-kalaya pansamantala ang suspek dahil sa kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 na inamyendahan ng RA 10364 o ang Anti-Trafficking in Persons Act, na walang kaukulang piyansa.