MANILA, Philippines – Anim katao ang dinakip matapos na mahuli sa pagbebenta ng pekeng cedula sa iba’t-ibang lugar sa Maynila.
Iniharap kay Manila Mayor Joseph Estrada ang mga nahuling sina Fernino Ortega, 29; Aida Bona,60; Celia de Guzman, 54; Dianne Defeo, 28; Jenny David, 30 at Lando Abaygar, 45.
Sa report ni Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. hepe ng Manila Action and Special Assignment (MASA) ang mga suspek ay nahuli sa isang entrapment operations matapos na magreklamo ang isang Mary Jane Obina na nakabili ng pekeng cedula sa harap ng San Lazaro Hospital sa halagang P50.00.
Giit ni Estrada, malaking halaga ang nawawala sa city government sa ginagawang ilegal na aktibidades ng mga ito. Nabatid na nalamang peke ang cedula dahil sa pangalan at pirma ng City Treasurer.
Sa peke ay nakalagay pa rin ang pangalan ni Liberty Toledo habang ang orihinal ay pangalan ni Rizal del Rosario. Magaspang din umano ang papel ng orihinal kumpara sa peke na sobrang nipis.
Dahil dito, sinabi naman Cirilo Tobias ng City Treasurer’s Office na mas makabubuting sa Manila City Hall kumuha ng cedula.
Hindi naman matukoy ng treasurer’s office kung ilang booklet ang nawawala sa kanilang tanggapan.