MANILA, Philippines - Dala ng umano’y labis na kalungkutan dulot ng pag-iisa sa buhay, ipinasya ng isang construction worker na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanyang tirahan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay SPO2 Cris Zaldarriaga, may hawak ng kaso, ang biktima ay nakilalang si Juancho Along, 27, ng Kasunduan Extension, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Sabi ni Emily Praga, kapitbahay ng biktima, nag-iisa lamang anyang nakatira ang huli sa kanyang tinutuluyan kung saan madalas anya niyang nakikita itong malungkot at balisa.
Kaya naman nagulat anya si Praga nang ganap na alas- 3:30 ng hapon nang puntahan niya ang biktima sa bahay nito para bigyan ng pagkain ay hindi ito sumasagot sa kabila ng paulit-ulit niyang pagtawag at pagkatok sa pintuan.
Dahil dito, nagpasya na umano si Praga na puwersahing buksan ang pinto kung saan tumambad sa harap niya ang walang buhay na nakabigting katawan ng biktima gamit ang tali ng sapatos na ipinalupot sa kanyang leeg, saka itinali sa kisame.
Agad na ipinabatid ni Praga sa barangay ang insidente na siya namang tumawag ng awtoridad para sa pagsisiyasat.
Samantala, ayon sa imbestigador kinokonsidera na umano nilang tapos na ang pagsisiyasat sa kaso dahil sa paglagda ng waiver ng kaanak nito na huwag ng imbestigahan pa sa paniwalang nagpakamatay nga ito.