MANILA, Philippines - Natupok ang nasa 20 kabahayan sa Caloocan City makaraang mapabayaan ang itinirik na kandila para sa isang yumao, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-7 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa may Abbey Road ng PNR Compound sa Sangandaan, ng naturang lungsod.
Sinasabing nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Jose Romero, 57, makaraang hindi mabantayan ang itinirik na kandila na inialay para sa kaluluwa ng kanilang yumao.
Agad na kumalat ang apoy dahil sa gawa sa light materials ang mga kabahayan sa lugar. Umabot sa ikalimang alarma ang sunog dakong alas-7:27 ng gabi at ganap na naapula dakong alas-10:07 ng gabi.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente ngunit nagtamo ng paso sa kamay ang bumberong si FO2 Ryan Caincol at maging si Romero. Nagkalat naman sa gilid ng Samson Road ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Nagpadala naman ng tulong na pagkain ang City Social Welfare and Development Office sa mga biktima ng sunog habang nangako rin ng tulong si Mayor Oscar Malapitan sa mga biktima para muling makaahon sa trahedyang sinapit.