MANILA, Philippines – Apat ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (QCPD-AIDSOTG) matapos ang ginawang raid sa isang drug den at shabu tiangge sa Brgy. Culiat sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng QCPD DAID-SOTG ang mga suspect na sina Hanim Yusof; Alih Saiben, kapwa residente ng Dasmariñas Cavite; Asnawe Mauna; at Jamail Alih; residente sa Muslim compound Fermont Subdivision, Brgy. Culiat sa lungsod.
Ayon kay Figueroa, ang suspect na si Yusof ang sinasabing kasama sa mga grupo na nakabaril sa pulis at nakapatay kay PO3 Bernard Quintero noong taong 2011.
Samantala, nakatakas naman sa raid ang target ng mga operatiba na si Joselito Briones, ang itinuturing nilang high value target na drug personality dahil kilala itong tulak ng iligal na droga sa lungsod.
Sa ulat ni Senior Insp. Rogelio Diaz ng DAID-SOTG, naganap ang operasyon sa may kahabaan ng Cotabato St., kanto ng Dumaguete St., Ismael Compound, Brgy. Culiat, sa lungsod ganap na alas-8:30 ng gabi.
Isinagawa ang operasyon matapos na makatanggap ng intelligence report ang operatiba hingil sa paglutang ni Briones sa nasabing lugar at sa nangyayaring pot session.
Pero sa bungad pa lamang ng kalye ng Cotabato St., ay nakatunog na si Briones sa presensia ng mga operatiba at agad na pinaputukan niya ang mga ito, saka sumakay sa isang motorsiklo at tumakas.
Tinangka pang habulin ng mga operatiba si Briones pero mabilis itong nakalayo sa lugar. Habang ang ibang operatiba ay agad na pinasok ang drug den kung saan nadakma ang mga suspect habang tumitira ng iligal na droga.
Sabi ni Figueroa, ang drug den ay nahahati sa dalawang parte ang isa ay shabu tiangge kung saan may maliit na butas sa dingding na ginagawang lusutan ng items para makabili ng shabu, habang ang kabilang parte ay ginagawang drug den.
Nasamsam ng tropa sa operasyon ang 40 gramo ng shabu timbangan, mga drug paraphernalia, isang kalibre 38 baril at mga bala.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa nasabing himpilan habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002 at illegal possesion of firearms laban sa mga suspect.