MANILA, Philippines – Pumalo sa P11.58 bilyong piso ang kinita ng pamahalaang lungsod ng Makati sa loob ng siyam na buwan sa ilalim ng pamumuno ni Acting Mayor Romulo “Kid” Peña.
Sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre ay nakamit na nito ang 94 porsiyento ng target revenue collection para sa taong ito.
Batay sa report mula sa City Treasurer’s Office, sinabi ni Peña na ang nasabing halaga ay mas mataas ng siyam na porsiyento kaysa sa kita ng lungsod para sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Peña, ang pinakamataas na koleksyon ay mula sa business tax na nagkakahalagang P6,194,563,878, sumunod ang real property tax (RPT) sa halagang P3,934,345,110; fees at charges, P556,943,245; at Economic Enterprise, P161,173,460.52.
“Lubos ang aking paniniwala na malalampasan natin ang 8.8 porsiyentong itinaas noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan ay nakamit na natin ang 94 percent ng ating projected target na P12,284,535,000 para sa taong kasalukuyan, at mayroon pang dalawang buwan ng pangongolekta bago magtapos ang taon,” ani Peña.
Ang acting mayor ay nagpahayag ng pasasalamat sa mga business sector sa kanilang kumpiyansa at tiwala sa kanyang pamumuno at tiniyak niya sa kanila ang mahusay na paggamit ng mga pondo para sa benepisyo ng mga nagbabayad ng buwis at mamamayan ng lungsod. “Ang pagtaas ng tax collection ay dahil din sa mahusay na pagpoproseso ng mga business permit at maayos na koleksiyon ng business at realty taxes,” dagdag pa ni Peña.
Kabilang din sa bumubuo ng city revenue collection ay ang Interest Income na nagkakahalagang P89,552,093.48 at Internal Revenue Allotment, P652,030,065.00. Kung ikukumpara sa tax collection noong nakaraang taon, ang kita mula sa business tax ay tumaas ng 13 porsiyento mula sa 5.4 bilyon. Sa kabilang banda, ang pamahalaang lungsod ay lumampas na ng 115 porsiyento sa target realty tax collection sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre.