MANILA, Philippines – Utas ang isang barker ng jeepney makaraang pagbabarilin sa mukha ng hindi matukoy na mga salarin sa Brgy. Tandang Sora, lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi. Dead on the spot dahil sa mga tama ng bala sa bahagi ng kanyang ulo ang biktima na nakilalang si Christopher Lopez, 38, ng Banlat Bridge, General Avenue, Brgy. Sangandaan, Tandang Sora sa lungsod.
Ayon kay PO2 George Caculba, may hawak ng kaso, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan sa mga suspect na agad na tumakas matapos ang pananambang. Sa imbestigasyon ni Caculba, nangyari ang insidente, ganap na alas-10 ng gabi.
Sinasabing papauwi na sana ang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspect at saka ito pinagbabaril ng mga suspect. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa motibo ng nasabing insidente na hinihinalang nag ugat sa iligal na droga.