MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 2 ang isang lalaki na may baril umano at naghamon ng away sa kanilang lugar habang hawak ang isang kalibre 38 pistola, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Nicolas Piñon ang suspek na si Arnel Yanga, 37, residente ng 1337 San Nicolas St., Tondo at miyembro ng Commando Gang.
Sa ulat, nakatanggap ng tawag ang nasabing presinto mula sa concerned citizen hinggil sa pagwawala umano ng suspek na ikinatakot ng mga residente dahil sa nakitang hawak nitong baril.
Agad namang rumesponde sina PO3 Manuel Pimentel at PO2 Ronald Rivera dakong alas 4:30 ng hapon sa panulukan ng Yakal at Quiricada Sts., kung saan nasaksihan nila ang pagsisigaw ng suspek at naghahamon ng away.
Mabilis na dinisarmahan ni PO3 Pimentel ang suspek habang naka-alalay naman si PO2 Rivera at dinala ang suspek sa kanilang presinto.
Nabatid na walang bala ang baril at hindi rin nakitaan ng serial numbers para sa beripikasyon dahil wala umanong dokumento para sa legalidad ng armas.
Ipinadala na ang request for verification sa nabanggit na baril sa MPD crime laboratory at sa Philippine National Police-Firearms and Explosive Division upang matukoy kung binura lamang ang serial numbers o isang paltik.
Isinailalim na ang suspek sa paglabag sa mga kasong Republic Act 10591 o Comprehensive Law of Firearms and Ammunitions at Section 844 ng Revised Ordinance ng City of Manila o breach of the peace at kasalukuyang nakapiit sa MPD Station detention facility.