MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng kilabot na ‘Sayas Group’ na umano’y responsable sa mga kaso ng holdapan at pagpatay ang nadakip sa isinagawang operasyon ng pulisya kamakalawa ng gabi sa kanilang hideout sa Valenzuela City.
Kinilala ni Senior Supt. Audie Alolor Villacin, hepe ng Valenzuela City Police ang mga nadakip na suspek na sina Roberto Asis, 35; Reynaldo Lubinas, 31 at ang umano’y lider na si Noel Barcelon alyas Sayas, 45.
Una rito, nagsagawa ng surveillance operation ang pulisya hinggil sa illegal na aktibidades ng grupo matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanilang asset.
Nang maging positibo ang impormasyon ay agad bumuo ng team ang mga operatiba ng Valenzuela City Police Intelligence Unit bago sinalakay ang hideout ng mga suspek sa Calle 11, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod alas-11:00 ng gabi.
Hindi na nakapanlaban ang mga suspek sa mga pulis kung saan nakumpiska sa mga ito ang dalawang baril, ilang bala, patalim at isang walang plakang motorsiklo na sinasabing ginagamit ng mga ito sa kanilang illegal na gawain.