Paslit todas sa bumagsak na bakal

MANILA, Philippines – Tuluyan nang nala­gutan ng hininga ang isang 8-taong gulang na batang babae na mahimbing na natutulog sa gilid ng kalye at nabagsakan sa ulo ng isang  malaking bakal na natumba nang masagi naman ng isang lasing na dumaraan, sa Parola Compound, Tondo, Maynila, kahapon ng mada­ling araw.

Isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) subalit wala ng buhay nang suriin ng mga doktor ang biktimang si Chery Letidio, estud­yante sa Grade 1 at residente ng Area H,  Gate 20, Parola Compound, Tondo bunga ng matinding pinsala na tinamo sa ulo kung saan nawasak ang bungo.

Nakapiit na sa Manila Police District -Homicide Section ang suspek na si Rodel Tan, 35, vendor, ng Muzon, Alitagtag,  Batangas City, na sasampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, natutulog ang biktima sa bangketa ng Manila International Container Port (MICP)  sa North Harbor sa Parola compound,  kasama ang dalawa pang batang kaibigan dakong alas  4:20 ng madaling araw nang dumaan umano ang suspek na pasuray-suray sa kalasingan.

Aksidente uma­nong napasandal sa nakatayong bakal ang lasing na si Tan kaya natumba at bumagsak sa ulo ng biktima habang ang dalawa ay nabagsakan din bagamat minor lamang ang tama sa balikat at katawan. Maging ang lasing na si Tan ay sumubsob din dahil sa pagkatumba ng bakal.

Mismong si Tan pa ang humingi ng saklolo sa mga tao na tulungan ang biktima na dalhin sa ospital at hindi rin siya nagtangkang tumakas.

Show comments