MANILA, Philippines – Naghain na rin kahapon ng kanyang kandidatura si dating Manila Mayor Alfredo Lim kung saan nangako ito na tatapusin niya ang hirap na dinaranas ngayon ng mga Manilenyo sa kamay ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Mula Luneta ay naglakad si Lim patungo sa tanggapan ng Comelec sa Arroceros St., Ermita kasama ang kanyang vice mayoralty candidate na si Manila First District Representative Benjamin Asilo.
Ayon kay Lim, ibabalik niya ang mga libreng serbisyo ng lungsod gaya ng healthcare at edukasyon sa sandaling makabalik siya sa puwesto.
Nilinaw ni Lim na hindi totoong bangkarote ang Maynila nang bumaba siya sa puwesto noong 2013, dahil may iniwan siya umanong P1-bilyon sa kaban ng lungsod.
Samantala, hindi sa jogging makikipagtunggali si Estrada kay Lim matapos na hamunin ng huli ang una na mag-jogging sila upang mapatunayan kung sino sa kanila ang may malakas na pangangatawan.
Ayon kay Estrada, hindi niya papatulan ang jogging dahil sa matatanda lamang ito at posibleng maging sagutin niya ito (Lim) sakaling mag-collapsed.
Mas makabubuti kung boxing na lamang sila maglaban. Dito ay ipinakita pa ni Estrada ng kanyang bilis sa pagsuntok. Maghahain naman ng COC si Estrada ngayong 12 ng tanghali na indikasyon ng liwanag sa kanyang administrasyon.
Magugunitang nauna nang nag-file noong Lunes ng kanyang COC ang isa pa sa kanilang makakatunggali bilang alkalde sa Maynila si 5th district congressman Amado Bagatsing na nagsabi namang si Lim ang naglubog sa Maynila sa utang, habang si Estrada naman ang nagbaon sa hirap sa mga Manilenyo.
Idinagdag pa nito, na kaawa-awa ang Maynila sa personal na alitan nina Lima at Erap. Ito umano ang dahilan kaya ang kalagayan ng lungsod at nang mamamayan dito ay patuloy na nakokompromiso.
“Ginagawa nilang katatawanan ang mga Manilenyo, ano magagawa ng jogging at boxing sa problemang kinakaharap ng lungsod”, pahayag pa ni Bagatsing.