MANILA, Philippines - Lasog ang isang rider, habang sugatan naman ang angkas nito matapos na mabundol ng isang Isuzu tanker sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO3 Andy Sotto ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) ng QCPD Sector 6, nakilala ang nasawi na si Jhon Oscar Begino, 19, binata, habang sugatan naman ang angkas nitong si Rommel Abit, 27, binata, kapwa helper, at naninirahan sa Pagkakaisa Compound, Visayas Avenue, ng nasabing lungsod.
Kusang loob naman na sumuko ang suspek na si Victoriano Rollo Jr., 48, driver ng Isuzu Tanker Giga ( RMJ-809) at naninirahan sa Bataan Road, Garcia Heights, Holy Spirit, Quezon City.
Base sa imbestigasyon nangyari ang insidente sa kahabaan ng Visayas Avenue, Brgy, Pasong Tamo, dakong alas -12:20 ng gabi.
Binabaybay ng tanker ang nasabing lugar nang mahagip nito ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima dahilan para tuluyan mawalan ng kontrol ang driver nito at bumangga sa isang Toyota Vios.
Sa lakas ng impact tumilapon ang mga biktima hanggang magtamo ang mga ito ng pinsala sa kanilang mga katawan.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Begino subalit idineklara rin itong dead on arrival habang dinala naman sa Phil. Orthopedic Hospital ang kasama nitong si Abit kung saan ito nilapatan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.