MANILA, Philippines - Patay ang isang hostage-taker na armado ng improvised ice pick nang barilin ng mga rumespon-deng tauhan ng Manila Police District (MPD) habang hino-hostage nito ang isang babaeng estudyante ng Technological University of the Philippines (TUP) sa loob ng pampasaherong bus, sa panulukan ng Pedro Gil St., sa Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa nasawing hostage-taker na inilarawan sa edad na 30 hanggang 35-anyos; nakasuot ng jersey shorts at plain white t-shirt’, nasa 5’5 hanggang 5’7 ang taas, maiksi ang buhok at mistulang bangag sa iligal na droga. Idineklara itong dead on arrival sa kalapit na Philippine General Hospital (PGH) dahil sa tatlong bala na tinamo.
Ang hinostage naman na nakilalang si Mariel Salvador, 3rd year graphic arts student ng TUP ay dinala din sa PGH trauma section upang isailalim sa stress debriefing, at wala namang sugat na natamo.
Sa inisyal na ulat ni P/Supt. Albert Barot, hepe ng MPD-station 5, naganap ang insidente dakong alas-2:20 ng hapon sa southbound lane ng Taft Avenue, malapit sa PGH at Pedro Gil LRT station.
Nabatid mula sa ilang pasahero na ang suspek ay sumakay sa HM Transport bus (TYV-303) sa bahagi ng Lawton at sinundan umano ang isang lalaking pasahero. Bumaba naman umano kaagad ng bus ang lalaki.
Nang pumasok sa loob ng bus ay tinutukan naman ng suspect ng ballpen ang isang babaeng pasahero na nairita at umalis sa upuan.
Lumipat naman sa unahang bahagi ng bus ang suspek at tinutukan naman ng ice pick ang biktimang estudyante ng TUP at pinabubuksan ang bag.
Nagsumbong sa driver na si Mario Olivar ang estudyante at sinabihan umano ang suspek na “Wag ako manong” kaya nagalit umano ang suspek. Inihinto ang bus at naging dahilan ng matensiyong tagpo sa loob ng bus paglagpas sa tapat ng PGH.
May nagsitakbo sa likuran at binuksan ang bintana kung saan sila nagtalunan upang makaiwas, at nabatid na marami din ang nagasgasan at nasugatan dahil sa pagkakagulo.
Mabilis naman ang responde ng mga tauhan ng MPD-station 5 at ng Lawton Police Community Precinct (PCP) sa pangunguna ni Sr.Insp. Dionnel Brannon at nagawang mabaril ang suspek habang nangho-hostage.
Dumating din ang mga tauhan ng Special Wea-pons and Tactics, MPD director Rolando Z. Nana at sina Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno, na nagsabing nasa 30 minuto lamang ay natapos na ang hostage drama at napatay na ang suspek.
Nabatid na yumuko umano ang TUP student nang maaninag ang mga pulis kaya nagkaroon ng pagkakataon si Insp. Brannon at isa pang pulis na barilin ito.
Handa namang bigyan ng commendation ng Manila City government ang mga tauhan ng Manila Police District na mabilis na nakaresponde sa naganap na hostage taking.
Ayon kay Estrada, ipina-kita lamang ng mga pulis na handa sila sa anumang mga pangyayari lalo pa’t buhay ng mga inosenteng tao ang nasa bingit ng kamatayan.
Sinabi naman ni Moreno, na tama lamang ang gina-wa ng MPD na dahil indikasyon lamang ito na natuto na ang mga ito sa naganap na 2010 Luneta hostage crisis. (Doris France-Borja)