MANILA, Philippines – Patay ang isang binata makaraang magtamo ng matin-ding pinsala sa ulo matapos na aksidenteng maipit sa pagitan ng metal gate ng isang kompanya habang nag-dedeliber ng produkto dito, kamakalawa sa lungsod Quezon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Jay-Mar Jagarap, 23, ng Libis Espina, Brgy. 18, Caloocan City.
Itinuring namang suspect kahit aksidente ang nangyari ang sekyu na si Victorio Calidguid, 48, ng Kislap Security Agency, at naninirahan sa Block 22, Lot 20, Tawid Sapa 2, Bgry. Kaligayahan, Novaliches, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jaime De Jesus, may-hawak ng kaso, nangyari ang insi-dente sa motor pool ng Allied Concrete Products na matatagpuan sa North Zuzuarregui St., Brgy. Old Balara ganap na alas- 5 ng hapon.
Ayon sa kasamahan ng biktima na si Richard Casero driver ng delivery truck, magde-deliver umano sila ng karga nilang merchandise sa Allied Concrete Products, kung saan bumaba ang biktima ng kanilang sasakyan para pumasok sa loob.
Subalit, bahagya lamang umanong nakabukas ang metal gate kaya naman nang aktong papasok na ang biktima para ipakita ang dala nitong official receipt sa sekyu na si Calidguid, ay bigla na lamang sumara ang gate sa hindi mabatid na kadahilanan.
Dahil dito, sapul ang ulo ng biktima at sa tindi ng pagkakatama ay nagtamo ito ng matinding pinsala.
Nagawa pang maisugod ang biktima sa Gen. Malvar Hospital subalit makalipas ang ilang minutong gamutan ay binawian din ito ng buhay.
Inimbestigahan ngayon ng CIDU ang nasabing guwardiya para mabatid kung nagkaroon ng manual function ang gate nito na siyang ugat ng aksidente.