MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Commission on Elections (Comelec) ang “Huling Hirit campaign” para mahikayat ang mga botante na magparehistro o magpa-validate ng kanilang biometrics at upang iwasan na ang pagsisiksikan sa last minute para sa natitirang 2 linggo.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na ang “Huling Hirit” campaign ay ilulunsad mula Oktubre 17 hanggang 31.
Sa huling update ng Comelec, aabot sa 2 milyon na botante ang kailangan pang sumailalim sa biometrics validation.
Pinakamarami ay mula sa Region 4-A, Region 4-B, NCR, Region 3, Region 5, Region 7 at Region 9.
Samantala, pinag-aaralan nila na dagdagan na lamang ng oras ang kada araw o 12 oras na registration hours mula Oktubre 17-31.
Maging ang araw ng Sabado at Linggo sa dalawang huling linggo ng Oktubre ay ilalaan habang tuloy pa rin ang mall registration sa ibang lugar.
Nilinaw niya na kanselado ang voters registration mula Oktubre 12 hanggang 16 para sa pagbibigay daan sa filing ng certificate of candidacy o COC.