MANILA, Philippines – “Tito masakit.”
Ito ang huling katagang namutawi sa mga labi ng isang apat na taong gulang na batang babae matapos na bawian ng buhay nang aksidenteng mabaril ng kanyang walong taong gulang na ate habang naglalaro ng baril-bariln gamit ang improvised shotgun ng kanila umanong lolo sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ni PO2 Julius Balbuena, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nagawa pang maisugod sa ospital ang biktimang itinago sa pangalang ‘Rizza’ subalit hindi naisalba pa ng mga manggagamot.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ni Balbuena, nangyari ang insidente sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Pagkabuhayan St., Brgy. Bagbag, Novaliches, ganap na alas 2:30 ng hapon.
Ayon kay Rogelio Tinio, tyuhin ng mga bata, busy siya sa pagsusulat sa itaas ng kanilang bahay nang bigla niyang marinig ang isang malakas na putok ng baril hindi kalayuan mula sa kanya.
Agad siyang kumilos para tignan ang pinanggalingan ng putok hanggang sa masalubong niya ang biktima na sapo-sapo ang dugugang dibdib sabay sabing “masakit tito”habang ang Ate naman nitong si Sonia ay hawak ang nasabing baril.
Sinasabing, bago ang insidente, ay naglalaro ang magkapatid ng baril-barilan kung saan kinuha umano ni Ate sa bahay ng kanyang lolo na kalapit lamang nila ang improvised shotgun nito na siya nilang ginamit na baril-barilan hanggang sa mangyari ang aksidente.
Mabilis na isinugod ang biktima sa Novaliches District Hospital para malapatan ng lunas saka inilipat sa Quezon City General Hospital (QCGH) pero makalipas ang alas 5:30 ng hapon binawian din ito ng buhay. Sa kasalukuyan, sabi ni Balbuena, patuloy ang pagsisiyasat ng kanilang tanggapan sa kaso dahil ang baril na nagamit sa krimen ay hindi na nila matagpuan sa lugar.
Dahil nasa ilalim ng Child in Conflict with the Law (CICL) si Sofia kung kaya’t hindi narin pumayag ang ina na si Mary Grace na mailagay sa kustodiya ng mga awtoridad ang anak sa pamamagitan ng isang written statement.
Bibigyan din ng CIDU ng kopya ng report ang Department Of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa nasabing insidente.