MANILA, Philippines - Dapat mag-sorry si MMDA Chairman Francisco Tolentino sa publiko hinggil sa umanoy hindi magandang biro nang regulahan ng mga babae para maging entertainment sa mga dumalo sa birthday party ni Laguna Rep. Benjie Agarao na kasabay na rin ng panunumpa ng mga bagong miyembro ng liberal party sa naturang lugar.
Ayon kay Gabriela secretary general Joms Salvador nakababahala ang ginawang pagbibigay ni Tolentino ng surprise gift sa bday party ni Agarao na grupo ng mga kababaihan lalupat nag-aambisyon itong tumakbo bilang Senador sa darating na eleksiyon.
Bunga nito, binigyang diin ni Salvador na dapat lamang na humingi ng paumanhin si Tolentino sa publiko hindi lamang sa mga babaeng ginawa niyang “regalo” at sa mga kababaihan kundi sa lahat ng mga taong hindi natuwa sa ginawa niya.
“Hindi magandang biro, kung tinuturing man itong ganun ni Chair Tolentino, ang pagreregalo ng mga babae para maging entertainment sa mga naroon. Tinuturing bang bagay ni Tolentino ang mga babae para gawin niya silang “surprise gift”? pahayag ni Salvador.
Anya, kung maganda ang hangarin ni Tolentino na magbigay ng regalo kay Agarao ay dapat sana ay hindi na nito ginamit ang mga babae na nagsipagsayaw na hindi katanggap tanggap ang mga kasuotan sa naturang okasyon.