MANILA, Philippines – Sa kabila ng paulit-ulit na babala at pakiusap ng pamunuan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa mga tricycle at pedicab na bumiyahe sa kahabaan ng Edsa, ilan pa rin sa mga ito ang matitigas ang ulo.
Ayon kay Quezon City Police District Traffic Sector 1 head Senior Insp. Erlito Renegin na siyang namamahala sa paligid ng Balintawak at Samson Road sa Edsa, walong tricycle driver ang kanilang inaresto kasabay ng pagkuha sa mga lisensya ng mga ito matapos na muling gumala sa Edsa.
Sabi ni Renegin, matagal na rin namang alam ng mga nahuling driver ang mahigpit na utos, subalit tila binabalewa nila ito, kaya kailangan ipatupad lamang nila ang batas.
Nauna nang pinulong ni Renegin ang asosasyon ng mga tricycle na nakakasakop sa naturang lugar hinggil sa paghihigpit na kautusan ng HPG na sila’y huhulihin sa sandaling bumiyahe pa sa kahabaan ng Edsa.
Sa unang arangkada sa pagpapatupad ng batas nitong nakaraang Lunes, 40 tricycle driver ang inaresto Quezon City-Department of Public Order and Safety, pero kalaunan ay pinalaya rin ang mga ito matapos na pagbigyan at pulungin ng QCPD TS-1 at ng lokal na pamahalaan para ipaliwanag ang mahigpit na pagpapatupad ng HPG sa batas.
Gayunman, sabi ni Renegin, tila hindi pa rin maiwasan ng ilang matitigas ang ulong tricycle driver ang gumala sa EDSA, dahilan para doblehin na rin nila ang pagbabantay sa lugar.