MANILA, Philippines – Tatlong Nigerian national at isang Pinay ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (QCPD-DAIDSOTG) makaraang makuhanan ng higit sa isang kilo ng pinatuyong marijuana at 100 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng QCPD-DAIDSOTG chief Insp. Enrico Figueroa, nakilala ang mga suspect na sina Celestine Chukwudozie, alyas Hugo, 33, negosyante, Nigerian national; at ang asawa nitong Pinay na si Frezel Chukwudozie, 34; at ang dalawa pang Nigerian na sina Johnson Ejiuwa, 27 at Henry Ukpabia, 32.
Ayon kay Figueroa, nasamsam sa mga suspect ang isang plastic bag na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000; isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,000; isang plastic bags na naglalaman ng pinatuyong marijuana; at tatlong piraso ng genuine P1,000 bill at dalawang bundle ng “boodle money” na bumubuo sa halagang P203,000 bilang buy bust money.
Sabi ni Figueroa, nadakip ang mga suspect matapos na isagawa ang buy-bust operation sa harap ng isang restaurant sa kahabaan ng Zapote Road, Brgy. Talon Dos, Las Piñas City, ganap na alas-5 ng madaling araw.
Bago ito, dagdag ng opisyal, isang linggo nilang minamanmanan ang galaw ng mga suspect base sa impormasyong nakarating sa kanila patungkol sa umano’y talamak na pagbebenta ng mga ito ng iligal na droga, pero naging mailap ang mga ito. Nang mag-positibo, agad na pinlano ng DAIDSOTG ang isang buy-bust operation sa pamumuno ni Insp. Manuel Laderas kasama ang pito pang miyembro ng DAID.
Sa kasalukuyan, ang mga suspect ay nasa kustodiya ng QCPD-DAIDSOTG habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drug act of 2002 laban sa kanila.
Nakikipag-ugnayan na rin ang QCPD sa embahada ng Nigeria hinggil sa nasabing kaso. Aalamin din ng QCPD kung bahagi ang mga suspect ng mas malaking sindikatong West African Drug Syndicate na nambibiktima ng mga Pinoy para maging drug mule.