MANILA, Philippines – Magkasunod na kinarnap ang dalawang motorsiklo na nakaparada sa isang parking area sa Mandaluyong City kamakalawa ng hapon.
Ang unang insidente ay naganap dakong alas-4:20 ng hapon kung saan ay tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang Yamaha Mio na may plakang NE-28761 na pag-aari ni Erika Baltazar, residente ng Kalentong St., Brgy. Pag-Asa, Mandaluyong City.
Ayon kay Baltazar, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo sa pay parking area ng Kalentong Market pero noong balikan nito matapos
lamang ang mahigit isang oras ay nawawala na ang kanyang sasakyan kaya nagtungo na lamang sa himpilan ng pulisya upang i-report ang insidente.
Dakong alas-5:30 naman ng hapon noong karnapin ang motorsiklo na pag-aari ni Jose Ancheta na residente ng Arkong Bato St. Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Sinabi ni Ancheta, ipinarada niya ang kanyang motor na Yamaha Mio Sport na may plakang NE-18468 sa harap ng isang Resto Bar sa San Rafael St., Brgy. Plainview, Mandaluyong para bumili ng makakain.
Nang balikan ni Ancheta ang kanyang motor ay nawawala na ito kaya nagtungo rin siya sa himpilan ng pulisya upang magreklamo.
Hinihinala ng pulisya na isang grupo lamang ang may kagagawan ng magkasunod na karnapan na siyang subject ngayon sa ginagawang masusing imbestigasyon at follow up operation ng pulisya para matukoy at madakip ang mga kawatan.