MANILA, Philippines – Naaresto na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang riding in tandem suspects sa bigong panghoholdap sa pamilya ni DZMM Anchorman David Oro sa lungsod kamakailan.
Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Edgardo Tinio ang mga suspect na sina Zaldy Roda, 29, tricycle driver at Efren Cardeño, 26, tricycle driver at kapwa mga residente sa Ilagan St., Brgy. Paltok, San Francisco Del Monte, Quezon City.
Ayon kay Tinio, ang mga suspect ay naaresto ng tropa ni Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at ng Masambong Police Station sa pa-ngunguna ni Police Supe-rintendent Christian Dela Cruz matapos ang walang humpay na follow-up operation na ginawa laban sa mga ito.
Sa ulat, ganap na alas- 4:45 ng hapon ng madakip ng mga tropa ang mga suspect habang ang mga ito ay aktong naglalaro ng sugal na cara y cruz sa kahabaan ng Ilagan St., Brgy. Paltok.
Bago ito, isang concerned citizen ang nagtimbre sa mga awtoridad hingil sa kinaroroonan ng mga suspect matapos na maipakalat ang larawan ng mga ito. Dahil dito, kung kaya agad na kumilos ang CIDU at PS2 at tinungo ang lugar kung saan natimbog ang mga suspect.
Nakumpiska din sa mga suspect ang dalawang piraso ng plastic sachets na naglalaman ng shabu at isang homemade (paltik) cal.38 revolver na may tatlong bala na nasa pangangalaga ni Roda.
Sa himpilan ng Masambong Police Station (PS-2), ay positibong kinilala ang suspect na si Roda na siyang nagtangkang manghablot sa handbag ni Hazel Oro, misis ni David Oro.
Maalalang papasok na ang mag asawang Oro sa loob ng bahay nila sa Brgy. Paltok ganap na alas-11:20 ng gabi noong September 21, 2015 nang isa sa dalawang suspect na nakamotorsiklo ay bumaba at tinangkang hablutin ang bag ni Hazel. Pero nanlaban si Hazel sa suspect at nagsisigaw ito ng saklolo dahilan para maalarma ang huli at iwan siya nito na walang nadalang anuman.