Birthday boy dinedo sa Tondo

Pinatay sa mismong ka­arawan.

MANILA, Philippines – Pinatay sa mismong ka­arawan.

Ito ang sinapit  ng isang  22-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng  dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki kung saan sugatan din ang dalawa pang kaibigan nito, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Dead on arrival sa Gat An­dres Hospital si Ryan Bo­ngas, ng  Bldg. 21 Unit 15 Tem­porary Housing, Vitas, Tondo, Maynila.

Ginagamot naman sa na­sabi ding ospital ang mga  sugatang sina Ruel Seperiano, 20, na tinamaan ng bala sa braso at paa at si Kenneth Meguillo, 20, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso.

Mabilis namang nakata­kas ang dalawang hindi na­kilalang suspek na kapwa armado ng baril.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Richard Escarlan, naganap ang insidente dakong alas-9 kagabi  sa pagitan ng Bldg 22 at Bldg 23 sa nasabing lugar.

Bibili umano ng ma­iinom na alak ang mga bik­tima   para sa kaarawan ni  Bongas nang lapitan ang huli ng isa sa mga suspek at biglang binaril sa ulo.

Pinaputukan din ng mga suspek sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Seperiano  habang tinamaan naman ng ligaw na  bala si Meguillo.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Road 10. Nagsasagawa naman ng  follow up operation ang MPD para sa ikadarakip  ng mga suspek.

Show comments