Responsible pet ownership sa Makati, pinuri

MANILA, Philippines – Walang kaso ng rabies ang naitala sa loob ng anim na magkakasunod na taon sa Lungsod ng Makati. Ito ang napag-alaman sa report na ipinadala ng Makati Veterinary Services Office (MVSO) sa tanggapan ni Acting Mayor Kid Peña, kahapon.

Dahil dito, pinuri ni Peña ang masigasig na pagtatrabaho ng MVSO upang mapanatiling ligtas sa mapanganib na rabies ang lungsod. Gayundin, pinasalamatan niya rin ang mga residente dahil sa pagiging responsable ng mga ito sa kanilang mga alagang aso at pusa, na pangunahing sanhi ng nakamamatay na virus.

“Sa tamang edukasyon at impormasyon, nakamit namin ang mabuting bunga ng tamang koordinasyon ng MVSO at mamamayan, sapat para manatiling ligtas sa peligro ng rabies ang Lungsod ng Makati,”ani Peña.

Inanyayahan niya rin ang lahat ng pet owners sa lungsod na makibahagi sa gaganaping worldwide celebration ng World Rabies Day and World Animal Day sa September 28 at October 4, 2015, upang paigtingin pa ang kaalaman ng publiko respectively.

Ayon naman kay city veterinarian Dr. Vivien Manalastas, magkakaroon ng libreng sabayang anti-rabies vaccination sa walong barangay na kinabibilangan ng: Kasilawan, La Paz, Singkamas, Tejeros, Bangkal, Olympia, Palanan at Valenzuela sa darating na Sabado, alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.

Ang iba pang libreng treatment na isasagawa ng MVSO ay ang mga sumusunod: Deworming, neutering at konsultasyon. Makatatanggap ng libreng dog/cat food at vitamins ang maagang magsisipunta.

Show comments