Hindi gumamit ng overpass, kelot lasog sa taxi

MANILA, Philippines - Nauwi  sa kamatayan ang hindi paggamit sa overpass ng isang obrero makaraang salpukin siya ng humahagibis  na taxi sa Quezon City, kahapon ng hatinggabi.

Base  sa report ni  P/Supt.  Ely Pintang,  hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) ang  bik­tima ay kinilalang si Noel de Guzman, 35, ng  Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Si De Guzman  ay idineklarang dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center  (EAMC) dahil  sa  tinamong pagkabagok ng  ulo at pagkalasog ng katawan.

Kusa naman  sumuko ang  suspek na si Rodrigo Magtalas, 59,  driver ng ER Taxi (AA1-9002) at nakatira  sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Naganap ang insidente  dakong alas-12:00  ng  hating gabi sa kahabaan ng Edsa.

Matulin umanong tinatahak ng minamanehong taxi ni Magtalas ang north bound EDSA at pagsapit  sa kanto ng Quezon Avenue sa tapat ng Eton Centris Mall, bigla na lamang tumawid sa ilalim ng overpass si De Guzman at nasalpok ng sasakyan.

Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima, tumilapon ito at nakaladkad ng may sampung metro.

 

Show comments