MANILA, Philippines - Hindi kinidnap kundi naglayas ang isang 11-anyos na batang lalaki na unang napaulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan noong nakalipas na Setyembre 14 sa Lipa City sa Batangas.
Ito ang lumalabas sa report ni Manila Police District-station 4 chief, P/Supt. Mannan Muarip kaugnay sa isang “John Rex” na sinasabing kinidnap sa nabanggit na lalawigan.
Nabatid na ang biktima ay lumapit umano sa unipormadong pulis na tauhan ng station 4 upang tulungan siyang makauwi na sa kanilang bahay.
Kuwento umano ng bata, napagalitan siya ng kaniyang ina kaya naisipang maglayas mula sa Lipa City. Sumakay siya ng bus at ipinamasahe umano ang mga naipon mula sa baon sa eskwela.
Pagsapit sa terminal ng bus sa Pasay City ay namalimos siya ng barya sa mga dumaraang tao sa bahagi ng Rotonda kaya nagkaroon siya ng pambili ng pagkain.
Napadpad umano sa Sampaloc, sa Maynila ang biktima sa pamamalimos at nagawa nitong mag-internet sa dinaanang computer shop at doon nakipag-chat sa Facebook sa ilang kaanak hinggil sa kaniyang paglalayas. Sa pamamagitan ng chat ay tinuruan umano siya ng kaanak kung saan lalapit para malaman kung paano makababalik sa Lipa City.
Dakong alas-11:30 ng tanghali kahapon (Set. 17) nang lapitan umano ng bata ang unipormadong pulis sa panulukan ng Ramon Magsaysay Boulevard at AH Lacson St., sa Sampaloc, Maynila upang magpaturo kung paano uuwi ng probinsiya. Dinala siya sa nasabing presinto upang ipa-sundo sa mga magulang.