6 militante timbog: US Embassy sinabuyan ng pintura

Nagkairingan ang mga tauhan ng pulisya at mga militanteng grupo sa harap ng US Embassy sa Maynila kahapon ng umaga makaraang lusubin at hagisan ng mga pinturang pula ng mga huli ang naturang tanggapan. Nagdulot naman ng maagang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard ang insidente. Kriz John Rosales

MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng militanteng grupo ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagsasaboy ng kulay pulang pintura sa harapan ng US Embassy kahapon ng umaga.

Pinipigil sa MPD-General Assignment and Investigation Section ang anim sa mahigit 50 militanteng nagsagawa ng kilos-protesta na pawang nagmula sa grupo ng League of Filipino Students (LFS) at Karapatan,

Inihahanda naman ang patung-patong na kaso laban sa mga dinakip na sina Teddy James Angeles, 19, estudyante ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Techno­logy (EARIST); Gerardo Guddli, 21; Orion Yoshida, 21; Aries Guput, 23, University of the Philippines-Diliman; Gem Arami Cataog, 21; at Karl Paulie  Anactay, 18.

Gayunman, sina Anactay at Cataog ay nagtamo rin ng sugat at galos. Nasa 17 Tourist Police ng MPD ang nasaktan nang pagbabatuhin ng mga militante kabilang si PO1 Al Arif Kamlon Asmadud na nagtamo ng mga galos at napuno ng pintura ang  uniporme.

Nabasag din ang windshield  at side mirror ng MPD Mobile car no. 388 nang yugyugin ng mga militante. Nabatid na alas-5:30 ng umaga nang sugurin ng mga aktibista ang harapan ng US Embassy kaugnay umano sa paggunita sa ika-24 ani­bersaryo nang pagkakatalsik ng US military bases sa bansa kasabay ng protesta na dapat na ring ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Nang harangin ng mga pulis ang mga raliyista ay hindi lamang harap ng embahada ang sinabuyan ng mga pintura dahil maging mga pulis ay pinagbabato nila.

Nagtungo ang mga kasamahang militante sa harapan ng MPD headquarters at doon naman itinuloy ang pagbatikos sa mga awtoridad na humuli sa kanilang mga kasamahan na tina­patan naman ng malalakas na tugtog ng Christmas carol ng MPD gamit ang malalaking speaker.

Bago nilisan ang harapan ng MPD headquarters ay sinabu­yan din ng pintura ang gate nito ng mga militante.

Show comments