MANILA, Philippines – Pinalakas ng Northern Police District ang paghahabol sa mga kriminal na pinaghahanap ng batas nang maaresto ang walong wanted sa isinagawang serye ng operasyon.
Sa mga ulat na ipinadala kay NPD Director, Chief Supt. Eric Serafin Reyes, isa sa naaresto ay ang Top 6 Most Wanted ng Malabon City Police na si Joseph Taquiqui, 26, nahaharap sa kasong qualified theft.
Nadakip si Taquiqui sa bisa ng warrant of arrest nang galugarin ng pulisya ang pinagtataguan nito sa San Fabian, Kayapa sa Nueva Vizcaya, kamakalawa ng hapon.
Nadakip rin ng Malabon City Police si Ejay Ramirez, 21, ng Dampalit, Malabon City at nahaharap sa kasong panggagahasa.
Sa ulat naman ng Valenzuela City Police, naaresto sa ikinasang mga operasyon sina Recan Mollejon, 35, ng Lawang Bato, Valenzuela, may kasong reckless imprudence resulting to damage to properties; Olivia Mora, ng Tuguegarao City; Ruben Estillero, 53, ng Lana Subdivision, Valenzuela, kapwa nahaharap sa paglabag sa Batas Pambansa 22; at si Noemi Luis Angela Carranza, ng Bignay, Valenzuela, at may kasong unjust vexation.
Sa ulat naman ng Navotas City Police, naaresto sa kanilang operasyon sina Antonio Gabani Lacaba, 55, ng San Jose, Navotas, may kasong paglabag sa Batas Pambansa 6 at si Junard Santos, 31, ng Muzon, Malabon City at may kasong panggagahasa. Sinabi ni Reyes na ang pagpapalakas sa paghahanap sa mga wanted sa batas ay prayoridad ngayon ng pulisya.