Baron Geisler, sugatan sa aksidente

Baron Geisler

MANILA, Philippines – Sugatan ang aktor na si Baron Geisler makaraang makabangga ng isang truck ang kanyang minamanehong sports utility vehicle sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Si Geisler, o Baron Frede­rick Geisler sa tunay na buhay, at residente ng Marlboro St., Fairview, Quezon City ay nagtamo ng galos at pasa sa katawan dahil sa insidente.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Imelda Ave­nue, Karangalan Village, Gate 3, Brgy. Manggahan, Pasig City.

Lulan si Geisler ng kanyang kulay itim na Toyota Fortuner (WKO-635) nang banggain ng Fuso truck, na may plakang RJA-151, na minamaneho ni Exvedyl Bayo.

Sinasabing nagyu-U-turn si Geisler sa lugar nang bigla­ na lang itong banggain ng truck, na nagresulta ng pagkasugat niya at pagkapinsala ng kanyang SUV gayundin ng truck.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan si Geisler upang magamot ang pinsalang tinamo dahil sa aksidente.

Show comments