MANILA, Philippines – Umabot sa 29 na iba’t-ibang mga armas na ginagamit sa iligal na aktibidad ang nasamsam ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD), gayundin ang pagkaka-aresto sa 32 top most wanted persons.
Ito ang nabatid kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio matapos iprisenta sa mga mamamahayag ang mga nasamsam na armas mula sa mga suspect na sangkot sa iba’t-ibang criminal activities kahapon.
Ayon kay Tinio, ang mga nasabing armas, bukod pa sa isang granada, mga bala, na karamihan ay mga improvised at hindi rehistrado ay nasamsam ng mga operating units mula sa 12 police stations.
Sabi ng opisyal, malaki ang maitutulong ng kanilang kampanya sa pagkakakumpiska sa mga armas, lalo na ang pagkakadakip sa mga MWPs, laban sa kriminalidad, dahil papasok na ang sinasabing ‘ber months’ kung saan simula na ang pagiging aktibo ng mga masasamang loob.