7 palengke sa Maynila, nag-market holiday

Walang nagtinda sa Trabajo market sa Sampaloc, Maynila­ matapos ang isinagawang kilos protesta ng mga vendors sa lungsod laban sa umano’y pagsasa­pribado ng mga ito. Edd Gumban

MANILA, Philippines – Nagsagawa kahapon ng ‘market holiday’ ang mga vendors mula sa pitong palengke sa Maynila  na  isinailalim sa  joint venture agreement­ kasunod ang pagrarally sa harap ng Manila  City hall.

Iginigiit ng mga vendors ang kanilang pa­ngamba na tumaas ang kanilang upa at mag­bago ang pamamahala sa mga palengke. Kabi­lang sa mga palengke na isasailalim sa joint venture  ay ang Pritil, Sampaloc, Trabajo, Quinta, Dagonoy, San Andres at Sta Ana.

Tinututulan din ng grupo ang Manila City Council Ordinance 8346 na nagbibigay kapangyarihan kay Estrada na pumasok sa kasunduan sa mga private sector  para sa pagsasapribado ng mga pampublikong pamilihan sa lungsod.

Maaga pa lamang ay nagsimula ng magtipon sa kanto ng United Nations Avenue at Taft Avenue  ang mga vendor na  mula sa Sampaloc­, Trabajo, Quinta, Pritil, Dagonoy, San Andres at Sta Ana Public Markets para sa kanilang ikinasang market holiday. Alas-6:00 pa lamang ng umaga, sarado na ang mga tindahan na tumagal hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.

Mula sa UN Avenue ay umusad ang mga miyembro ng bagong tatag na alyansa ng mga market vendors na tinawag na ‘Save Manila Public Market Alliance (SAMPAL)’.

Ala-1:30 ng  hapon nang  personal naman kausapin ni Estrada ang mga vendors upang bigyan ng linaw ang ilang mga isyu. Bagama’t bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa loob ng Bulwagang Villegas kung saan inilabas ng mga lider ng vendors ang kanilang mga kahilingan­  habang ipinatutupad ang   joint venture.

Kahapon ay pinagbigyan in Estrada ang  hiling­ ng Quinta Market na alisin na ang upa sa kanilang relocation site habang  sumasailalim sa redeve­lopment ang nasabing palengke. Ayon sa mga vendors, wala umano silang  kinikita matapos silang  ilipat sa relocation site. Malaking bagay din  ang  P40 kada araw na bayad  ng mga vendor.

Tiniyak din ni Estrada sa mga taga Sta. Ana Market na hindi gigibain ang nasabing palengke at sa halip at ire-renovate lamang ito upang  mas dayuhin ng mga  mamimili. Idiniin ng grupo na hindi sila tutol sa pagbabago ngunit umapela silang huwag isapribado ang kanilang puwesto sa palengke dahil tiyak na tataas ang renta nila sa mga ito.

Sinabi naman ni Atty. Edward Serapio, Secre­tary to the Mayor, na  protektado ng  city govern­ment ang mga vendors kaya’t wala umanong  dapat na ipangamba ang  mga ito. Aniya, mananatiling kontrolado ng city government ang mga pamilihan sa Maynila.

Show comments