MANILA, Philippines – Bangkay na nang matagpuang lumulutang sa La Mesa Dam ang isang 8-anyos na batang lalaki sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PO2 Julius Balbuena, may-hawak ng kaso, kinilala ito ng kanyang mga kaanak na si Jun Emmanuel Chan, Grade III, at residente ng West Fairview sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni Balbuena, ang biktima ay nadiskubre malapit sa spill way ng Pechayan na matatagpuan sa La Mesa Dam compound, Brgy. Greater Lagro, ganap na alas-10 Sabado ng umaga.
Nakita ang biktima na palutang-lutang sa tubig ng security guard na si Jumar Bustillo.
Sa tulong ng mga istambay sa lugar ay iniahon nila Bustillo ang bangkay saka tumawag ng otoridad para sa imbestigasyon.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) lumabas na ang biktima ay nagtamo ng sugat sa ulo na maaaring dulot ng pagkakabagok at malunod, bagay na iniimbestigahan ng otoridad.
Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang pamilya ng biktima ukol sa pangyayari.