MANILA, Philippines - Patay ang isang dalaga makaraang makipagbuno at makipagsaksakan sa kapitbahay niyang babae sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center dahil sa tinamong saksak sa dibdib ang 39-anyos na biktimang si Cherry Barioquinto, ng A. Del Mundo Street, Brgy. 51, ng naturang lungsod.
Isinugod rin sa naturang pagamutan nang masaksak rin sa sikmura ang ka-duelo nitong si Marie Dullano, 27, residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, unang nagtalo umano sina Dullano at kapatid ng nasawi na si Danica sa tapat ng bahay nito dakong alas- 9 ng umaga ukol sa matagal na nilang away.
Sumaklolo naman si Barioquinto sa kapatid hanggang sa makipagpambuno sa suspect na si Dullano. Nagbunot naman ng patalim ang suspek at nasaksak ang biktima habang nagawa ring matarakan si Dullano sa kanilang pambubuno.
Nag-umpisa umano ang away ng dalawang pamilya nang tumestigo ang ilang kaanak ni Dullano sa kaso sa korte ng bayaw ng biktima.