MANILA, Philippines - Utas ang isang personal security matapos itong barilin ng riding in tandem na suspect habang nakasakay ang biktima sa sasakyan at naka-escort sa mga anak ng kanyang amo kahapon ng madaling araw malapit sa South Luzon Expressway (SLEX), Pasay City.
Dead on arrival sa Para-ñaque Doctor’s Hospital ang biktimang si Vicente Abonalla, 36, ng Parañaque City sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at nagsasagawa pa ng follow-up operation hinggil sa insidente.
Lumalabas sa pagsisiyasat nina SPO3 Allan Valdez at SPO2 Ricardo Mallong Jr., ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-12:10 kahapon ng madaling araw sa West Service Road, Nichols Interchange, malapit sa SLEX ng naturang lungsod.
Nabatid na sakay ang biktima sa bandang harapan ng isang Nissan Safari na pag-aari ng among si Roberto Catapang Jr., at naka-escort ang una sa mga anak.
Habang binabagtas ng mga ito ang naturang lugar at matigil dahil sa trapik ay tinabihan ng isang motorsiklo na walang plaka lulan ang dalawang suspect na kapwa nakahelmet.
Isa sa mga suspek na nakaangkas sa likod ang bumunot ng baril at malapitang ilang ulit na pinaputukan ang naturang biktima.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek at ang biktima naman ay mabilis na dinala sa naturang ospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay.