Pangako ni Tolentino sa HPG, ‘papogi’ lang

Hindi ito sa EDSA. Ito ang mga sasakyang patungo sa EDSA. Okupado ng mga sasakyang ito ang lahat ng lanes sa maluwang na Commonwealth Avenue na umaga pa lang ay dama na ang bigat ng daloy ng trapiko matapos ang malakas na pag-ulan. Ika nga ni HPG director Chief Supt. Arnold Gunnacao na mas challenging ang paglutas sa trapiko sa MM kumpara sa paghuli sa mga carjackers. Michael Varcas

MANILA, Philippines - Bagamat nangako ng tulong sa PNP-High­way Patrol Group (HPG) sa pagsasaayos ng trapiko sa kahabaan ng EDSA si MMDA Chairman Francis Tolentino sa pamamagitan  ng 170-190  MMDA constables mistulang papogi lamang umano  ito at hindi nagkaroon ng katugunan.

Manapa’y mistulang binoykot pa ng MMDA constables ang EDSA na nagsilipat sa mga secondary roads.

Aminado ang PNP-HPG bagamat may ipinadala pero konti lamang ito at nagsialis din sa pwesto lalu na noong kasagsagan ng trapik matapos ang pagbuhos ng ulan.

Ito ang naging obserbasyon ng ilang opisyal ng HPG.

Magugunitang kamakalawa ay hindi napigilan ni HPG director Chief Supt. Arnold Gunnacao na ramdam nila na tila hindi gusto ng maraming mga taga -MMDA ang pagkakaalis nila bilang pangunahing nangangasiwa sa pagmamando sa trapiko.

“Basically, they are not under us. Meron silang pinuno, ang agreement namin sa pinuno namin eh, it might be an individual problem, baka gusto ng mga tao dun na hindi sumusunod ay  kasi gusto nila sila ang hari ng Edsa’’, ani Gunnacao sa mediamen.

Samantala, pinaplano ng Philippine National Police (PNP) na gawing 24/7 o 24 oras ang duty ng mga PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG)  na nangangasiwa sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng 23 kilometrong EDSA highway.

Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, ito’y upang mapabuti pa ang serbisyo  sa mga motoristang dumaraan sa lugar kung saan idaragdag nila sa 150 PNP-HPG traffic enforcers  ang 20 SAF (Special Action Force ).

Sa kasalukuyan,  sumasalang pa sa training o pagsasanay ang 20 SAF commandos  para tumulong sa PNP-HPG traffic enforcers na datirati ay pansabak sa mga armadong grupo na banta sa pambansang seguridad at maging sa terorismo.

Una nang nangako si Metro Manila Deve-lopment Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino  ng 170-190  MMDA constables para tumulong sa PNP-HPG sa pagmamando ng trapiko pero konti lamang sa mga ito ang tumugon na halos hindi makita ang presensya sa EDSA na tila nagbo-boykot dahilan secondary routes ang mas prayoridad umanong tutukan.

Show comments